Lady Bulldogs tuloy sa pananalasa
MANILA, Philippines — Limang sets ang kinailangan ng defending champions National University bago lapain ang Far Eastern University, 25-15, 23-25, 24-26, 25-23, 15-8 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena, kagabi.
Nahirang na Best Player of the Game si reigning Finals MVP, Alyssa Solomon matapos umiskor ng 23 points mula sa 19 attacks at apat na blocks, nirehistro ng NU ang malinis na tatlong panalo para manatili sa tuktok ng team standings.
Nasikwat ng NU ang set 1 pero hindi nila nailagan ang panunuwag ng FEU nang makuha ng huli ang panalo sa second at third frame.
Pero hindi nawala ang bangis ng NU, lumiyab ang opensa nina Solomon at two-time MVP Bella Belen upang makahirit sila ng deciding fifth set.
Lumabas ang pagiging kampeon ng Lady Bulldogs sa fifth frame, hinarurot agad nila ang iskor sa kaagahan ng laban para hawakan ang five-point lead 9-4 at tuluyang masungkit ang makapigil hiningang panalo.
Sa unang laro, pumalo ng upset win ang Ateneo matapos silang akbayan ni Sophia Beatriz Buena sa 25-18, 25-22, 25-18, panalo laban sa tigasing University of the Philippines.
Matapos hindi nakalaro sa unang dalawang games ng Blue Eagles dahil sa minor injury, nagpasiklab agad sa clutch si Buena na tumikada ng 17 points, mula sa tig-isang block at service ace para tulungan ang Ateneo na ilista ang unang panalo sa tatlong laro.
Comments
Post a Comment