Thunderbelles winalis ng High Speed Hitters
MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ng PLDT Home Fibr ang No. 4 spot sa knockout phase matapos gibain ang ZUS Coffee, 25-20, 25-16, 25-15, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa City of Passi Arena sa Iloilo.
Tinapos ng High Speed Hitters ang elimination round sa 8-3 tampok ang four-game winning streak at muling haharapin ang No. 9 Thunderbelles (4-7) sa playoffs.
Sa knockout phase ay sasagupain ng No. 1 Creamline (10-1) ang No. 12 Nxled (1-10) at makakatapat ng No. 2 Petro Gazz (10-1) ang No. 11 Capital1 Solar Energy (1-10).
Lalabanan ng No. 3 Cignal HD (8-3) ang No. 10 Galeries Tower (1-10).
Magsisimula ang anim na qualifying-round matches sa Pebrero 27.
“Just that complacency and being comfortable, we don’t want to be comfortable because there are teams that can take over. We just can’t get too comfortable,” ani PLDT Fil-Canadian hitter Savi Davison na humataw ng 17 points mula sa 14 attacks at tatlong blocks sa pagharap nila sa ZUS Coffee.
Nagdagdag si Majoy Baron ng 10 markers habang may walo at pitong puntos sina Erika Santos at Mika Reyes, ayon sa pagkakasunod.
Walang Thunderbelles player ang nakapagtala ng double digits kung saan may siyam na puntos si Chai Troncoso kasunod ang walong marka ni Mich Gamit.
Pinamunuan ni Davison ang pagtatayo ng High Speed Hitters sa 2-0 kalamangan sa laro patungo sa 18-10 bentahe sa third set.
Naghamon ang ZUS Coffee sa 13-18 sa pamumuno nina Chinnie Arroyo at Thea Gagate kasunod ang La Salle connection nina Baron, Kim Fajardo at Kim Kianna Dy para itiklop ng PLDT ang laban sa 25-15.
Ang anim na tropang mananalo sa knockout round ang maglalaro sa best-of-three quarterfinals series.
Sasalang naman ang anim na matatalo sa play-in tournament na magdedetermina sa uupo sa No. 7 at No. 8 sa quarterfinals.
Comments
Post a Comment